Wednesday, April 9, 2014

Panghihinayang

0 comments
"Alam mo, sayang ka."

Malinaw pa rin sa aking mga alaala, noong mga panahong iyon na ako'y kausap ng isa sa mga kamag-aral ko sa elementarya. "Sayang ka," kanyang bigkas. Tinutukoy niya ang aking mga grades - kung paanong mula sa pagiging first honor, onti-onting bumaba ang pwesto ko mula roon. Kahit sa pagiging 'achiever' man lang (o sa line of 9 na average), ay hindi ako nakaabot. Natahimik na lang ako sa sinabi niyang 'yon. Alam ko naman sa sarili ko na nagpabaya ako. Ngunit bakit?

"Matalino ka, at malayo ang mararating mo."

Pagbaba ko mula sa stage nung graduation, ito ang pagkakaalala kong sinabi sakin ng guro ko noon sa Math. Hindi man eksaktong iyon pero siya ang tanging guro na bumati sakin noon. Alam ko natahimik lang din ako, kasi totoo nga ba ito?

Lumipas ang panahon.

Noong high school, madalas ang aking pagliban sa klase. Parating sa mga unang araw ng pasukan, mataas ang grade ko at bumababa paglipas ng mga buwan. Dumating ang panahon ng mga entrance exams para sa kolehiyo at application para sa mga scholarships, at anong ginawa ko?

"Sayang ang talino mo."

Noong mga panahong iyon ay hindi ko lubos naintindihan - kung nasayang nga ba, o kung may angkin nga ba akong talino at kung ano ang silbi ng pagpupursigeng iyon. Iniisip ko ang mga hakbang na akin sanang ginawa. Mga panahon na hindi ko naibigay ang buo kong makakaya.

Ngunit bakit? Hindi ba ako naniwala? Hindi ko ba naisip ang bunga na akin sanang tinatamasa?

"Ang galing galing mo at sayang na sayang ka talaga!"

Tatlong taon mula ng ako'y magtapos ng high school, at narito ako sa loob ng Jollibee, kasama sila. Ilang taon na din ang lumipas. Ganun pa din ang mga ugali na aking nakilala.

Sa lagay kong ito, ang hirap paniwalaan, kung tunay ngang nasa akin nga ang sinasabi nilang iyon. Pati ang nakaakibat doon na pagbulong ng nakaraan, mga panghihinayang. Ngunit bakit? Hindi ko siguro naintindihan, hanggang sa dumating na ang kasalukuyan. Ang  hiling ko lamang - maga pintuan ng kinabukasa'y bumukas na, at kung tunay ngang may potensyal na natatagong sa aki'y nararapat ibahagi, mangyari ito nawa.

Lumipas ang panahon. Tunay nga't may nasayang, ngunit naroon rin ang mga pangyayari't alaala na nagdala sa akin sa kasalukuyan. Marami ang panghihinayang. Minsan naiisip kong matulog na lamang, makinig sa dikta ng aking nakaraan na pabayaan ang mga bagay na may importansya.

May panahon pa, at maraming pwedeng mangyari.