Hindi ko lubos maintindihan ang lahat - kung tunay nga bang mayroon itong dahilan, at kung ano nga bang kinahinatnan ng mga taong, sa hindi inaasahang pangyayari, ay yumakap sa kamatayan. Mga taong, bagamat hindi man natin kilala sa personal, ay mayroong mga personalidad, pangarap at mithiin. Mula sa mga sanggol na walang kamuwang-muwang, at mga may edad na marami ng naranasan, walang pinili ang karahasan ng bagyong tumama sa lupang sinilangan.
Sari-saring emosyon na tila naghalo na, hanggang sa hindi ko na ito mabigyang depinisyon. Takot, pangamba, galit at kalungkutan. Mga emosyon na, ang ilan sa atin ay tila pinagwawalang bahala na lamang ngayon dahil sa takot na lumusong sa kailaliman. Kalungkutan na dala ng pagharap sa isang bangin na puno ng kadiliman.
"Bakit?!" Aking sigaw. Marahil ay walang nakaririnig, marahil buong pusong nakikinig ang Ama, o ang mga ibong nagliliparan. Sa aking paligid, naroon lamang ang nangingibabaw na misteryo sa mga nagtumbahan na puno at mga wasak na gusali, at ang mga katawan na, kung ako'y hindi nagkakamali, bumubulong at humihingi ng tulong sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan at pag-ihip ng hangin. Pansin sa buong paligid na tila ang mundo ay gumuho na, at wala ng pag-asa.
Damdamin, namumuo at nangingibabaw, na kung tutuusin ay marami ang magsasantabi upang magpatuloy at upang magawa ang kanilang dapat gawin. Damdamin, na marahil ay katotohanang tinatakasan o sagabal sa mga mas mahahalagang tungkulin. Saan nga ba ito tunay na natatapos? Saan nga ba ito tunay na nagsisimula?
Sa dulong pangpang, sa pinaka-silangan, aking hinarap ang malawak na karagatang pasipiko, at lumusong sa kailaliman - sa tubig na itim, na sa aking pagkamangha, bagamat puno ng pangamba at katanungan, nandoon ang mga mahalagang katotohanan.
At sa aking pag-ahon...
Sa aking pagbangon...
Sa aking muling pag silay sa Araw...
Aking malalaman at pagbibigyan ng pansin ang siyang may tunay na kahalagahan.
-Pilipinas
0 comments:
Post a Comment